Inilunsad ang proyektong Agri Aral Tekno Mobil (AgriATM) nitong ika-3 ng Marso sa pamamagitan ng programang birtwal na tinawag na “Konek AgriATM: Online Arangkada”. Dito ibinida sa 177 na mga dumalong Agricultural Extension Workers at Technicians sa Zoom at Facebook Page ang mga serbisyong maibibigay ng AgriATM. Ito ay isinagawa bilang hudyat ng pag-arangkada ng mga on-site activities ngayong Marso.“Ang bawat bahagi ng proyektong ito ay masusing binuo at mula sa ilang taong pananaliksik ng mga eksperto sa larangan ng pagsasaka, paghahayupan, at pangingisda,” ani ni Dr. Edgar A. Orden, Presidente ng CLSU.Idinagdag pa ni Presidente Orden na tampok sa proyektong ito ang mga teknolohiyang nadebelop ng CLSU sa produksiyon at pagnenegosyo ng kambing, kabute, tilapya, at organikong pagtatanim.Ang AgriATM ay naglalayong maidala ang mga teknolohiya ng pagtitilapia, pagkakambing, pagkakabute at organikong gulayan gamit ang AgriATM Van, na siyang magiging “prime hub” ng impormasyon at instrumento sa pagpapalaganap upang umabot ang mga impormasyon sa mga magsasaka, mangingisda, extension workers, kababaihan, at iba pang mga interesadong kliyente sa Gitnang Luzon, at maglaon, sa iba pang mga lugar.Isa sa mga bahagi ng proyekyong AgriATM ay ang dinebelop na website (www.agriatm.com) o ang Learning Management System kung saan maaring mag enroll nang libre ang lahat ng interesado sa mga eLearning modyul nang mga nabanggit na teknolohiya.Sa pamamahala ng kambing, ituturo ang mga sistema ng pag-aalaga, pagpili ng magandang lahi kambing, pagtatanim at pangangasiwa ng forage, at ang pag gagatas ng kambing. Nariyan din ang Urea Molasses Mineral Block o UMMB, paggawa ng Urea Treated Rice Straw o UTRS, at ang paggawa ng Pelletized Feeds gamit and Pelletizing Machine.Matututunan rin kung papaano ang paggawa ng binhi ng kabute, pagdidisenyo ng bahay-patubuan, pagpili at pagbili ng binhi, pagpapabunga, at pagbebenta ng inaning kabute.Sa organic farming, nariyan ang organikong produksyon ng mga gulay katulad ng petsay, mustasa, letsugas, kamatis, talong, at sibuyas. Nariyan din ang teknolohiya ng paggawa ng biopesticides, produksyon ng TrichoPlus, at vermicomposting.Ituturo naman sa tilapia production ang pagpaparami nito, pag-aalaga sa palaisdaan at tangke, at mga pagkaing gawa sa tilapia na maaari ding pagmulan ng kita.Iikot ang AgriATM sa mga piling barangay ng Nueva Ecija simula Marso 22 hanggang Marso 25 ng taong kasalukuyan, upang amisaparating at maibahagi sa mga magsasaka, mangngisda, kababaihan at kabataan ang mga teknolohiyang nabanggit.Ang Agri Aral Tekno Mobil ay programang pinondohan ng Commission on Higher Education (CHEd) at katuwang sa pagpapalaganap ng programang ito ang Tarlac Agricultural University at Pampanga Agricultural State University.