Juana ng Wika 2026: Tinig ng Kababaihan, Yaman ng Wika at Kultura
Matagumpay na isinagawa ng Departamento ng Filipino ng Central Luzon State University (CLSU) ang Juana ng Wika 2026 noong ika-14 ng Setyembre. Tampok dito ang pitong natatanging kandidata na nagtagisan ng talino, talento, at adbokasiya para sa wikang Filipino at kulturang Pilipino. May temang “Juana ng Wika 2026: Tinig ng Kababaihan, Yaman ng Wika at Kultura,” layunin ng paligsahan na itampok ang makapangyarihang boses at kakayahan ng kababaihan habang patuloy na pinahahalagahan ang pambansang wika at kultura. Ayon kay Prop. Nenita P. Fabrigas, tagapayo ng Konseho ng mga Mag-aaral ng BAFil, mahalaga ang mga ganitong uri ng programa upang mabigyan ang mga mag-aaral ng plataporma para maipahayag ang kanilang mga saloobin at adbokasiya. “Sa pamamagitan ng gawaing ito na Juana ng Wika, binibigyan natin ng bagong mukha ang bagong boses ng isang Pilipina. Isang Juana na hindi lamang maganda sa panlabas na anyo, kundi maganda sa isip, marangal sa puso, matatag sa paninindigan at mahusay gumamit ng kaniyang boses para sa mabuting layunin”, ani Prop. Fabrigas. Matapos ang maigting na tagisan ng husay, itinanghal bilang Juana ng Wika 2026 si Zephaniah Jane Sampaga mula sa BSED FIL 2-5. Nagsilbi rin ang programa bilang pampinid o pagtatapos na gawain ng Departamento, kung saan iginawad ang pagkilala sa mga nagwagi sa iba't ibang kumpetisyon tulad ng Kundiman, Modernong Balagtasan, Slogan Making, Pagkukuwento, Sanaysay, Poster Making, Lutuing Pinoy, at Quiz Bee.
